Epektibo na ngayong araw ang P1 dagdag na pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ay kasunod nang pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa naturang fare increase.
Sakop ng fare increases ang karamihan ng uri ng land transportation.
Una nang sinabi ng LTFRB na kinikilala nila ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo kaya kinakailangang magtaas na ng pasahe.
Ayon sa LTFRB, aprubado na ang P1 provisional increase sa minimum fare para sa apat na kilometero na biyahe sa public utility jeepneys (PUJs).
Dahil dito, mula sa dating P11 ay naging P12 na ang pasahe sa traditional public utility jeepney (PUJ) at P14 naman sa modern PUJ.
Inaprubahan din ng mga ito ang karagdagang pasahe para sa susunod na kilometro o mula sa P0.30 para sa traditional PUJs ay naging P1.80 na ito at mula sa dating P0.40 para sa modern PUJs ay naging P2.20 na.
Para sa public utility buses (PUBs), ang minimum fare para sa city buses ay tataas sa P2 para sa unang limang kilometro.
Katumbas ito ng P13 para sa regular buses at P15 para naman sa air-conditioned buses.
Ang minimum fares para sa provincial buses ay tataasan ng P2 kasama na ang succeeding kilometer fare increase na mula sa P1.90 ay magiging P2.90 na ito depende sa type ng bus.
Para sa mga taxi, ang flagdown rate ay tataas na sa P45 mula sa dating P40 sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang mga transport network vehicle services (TNVS) ay tataas din ng P35 para sa hatchback-type vehicles; P45 para sa sedan-type vehicles; P55 para sa Asian utility vehicles (AUVs) at sports utility vehicles (SUVs).
Nagpaalala naman si LTFRB Chairperson Cheloy Garafil sa mga pasahero na dapat daw ay siguruhin na magbayad sila nang tamang pasahe pero doon lamang sa may mga nakapaskil na fare matrix.