-- Advertisements --

Magiging P12 na kada litro ang bawas para sa mga tsuper ng jeepney at UV Express simula Agosto 15, alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dagdagan ang discount sa petrolyo para sa sektor ng transportasyon.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, kapag napatupad na ito, aabot sa P1,800 kada linggo ang mapapakinabangan ng mga drivers.

Ito ay dagdag sa inisyal na P10 na discount kada litro na sinimulan noong Abril, na nakatulong na sa mahigit 93,000 PUV drivers.

Napagdesisyunan ito sa isang pulong na pinangunahan ni Executive Secretary Recto, kasama ang mga kalihim ng gabinete, noong Agosto 4 sa Malacañan.

Pinag-usapan sa meeting ang patuloy na pagpapatibay ng mga hakbang ng gobyerno upang protektahan ang ekonomiya, pigilan ang pagtaas ng presyo, at matiyak ang suporta para sa mga sektor na tuwirang naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Bukod dito, inatasan ni ES Recto ang DSWD na tiyaking aabot ang UPLIFT assistance sa mga nangangailangang sektor, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, mga manggagawa sa transportasyon at konstruksyon, at iba pang manggagawang mababa ang kita.

Una ng binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangako ng gobyerno na suportahan ang mga pinakaapektado ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya.