-- Advertisements --

CEBU – Nanghingi na ng tulong ang alkalde ng Daanbantayan, Cebu, na sinalanta rin ng Bagyong Ursula.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Daanbantayan Mayor Sun Shimura, sinabi nitong nagpapatuloy ang kanilang assessment sa danyos na iniwan ng bagyo ngunit kanyang inihayag na marami-rami sa kanilang bayan ang apektado lalo na ang mga mangingisda at magsasaka.

Ayon kay Mayor Shimura, base sa kanilang initial assessment ay nasa P4.4 million ang pinsala sa mga pananim, live stocks na umabot sa P750,000, at ang 88 nasirang fishing boat na umabot sa P2 million.

Nabatid na patuloy din ang kanilang assessment sa mga nasirang imprasktratura kasama na rito ang kanilang fishport, cultural center na naging evacuation center rin nila, at mismong municipal building.

Inamin ng alkalde na nasa P3 million na lang ang natira sa kanilang calamity fund lalo’t ang kanilang bayan ang palaging natatamaan ng bagyo.

Kaugnay nito ay kumakatok si Mayor Shimura sa may mga mabuting puso na tulungan ang kanyang mga mamamayan na muling makabangon.

Higit na kinakailangan ng Daanbantayan ang mga materyales para sa pagpapatayo ng bahay at sa paggawa ng bangka para sa mga mangingisda.

Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin ang alkalde dahil walang casualty sa kanilang bayan sa kabila ng bagsik ng Bagyong Ursula.

Nasa mahigit 19,000 pamilya ang apektado at 1,619 nito ang nawalan talaga ng bahay.

Kung maaalala, isa ang bayan ng Daanbantayan ng Northern Cebu ang labis na naapektuhan din ng Bagyong Yolanda noong 2013.