Patay ang Mexican social media influencer na si Cesar Gastelum matapos pagbabarilin habang nagla-livestream kasama ang kanyang mga kaibigan sa labas ng isang fast food restaurant sa lungsod ng Culiacan, Mexico.
Ayon sa mga awtoridad, kilala si Gastelum sa kanyang comedy videos at may halos 600,000 followers sa TikTok. Sa video ng kanyang livestream, makikitang nilapitan sila ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na kapwa nakasuot ng helmet.
Makalipas ang ilang sandali, nagpaputok umano ng baril ang driver ng motorsiklo at tinamaan ang influencer.
Kinumpirma ng isang opisyal ng Sinaloa ang pagkamatay ni Gastelum at sinabing nagsasagawa na ng malawakang operasyon ang mga awtoridad upang matukoy at madakip ang mga responsable sa krimen.
Naganap ang pamamaril sa gitna ng patuloy na karahasan sa Culiacan, na matagal nang sentro ng mga grupong nag-aagawan ng kontrol sa lugar.
Matatandaan noong Mayo 2025 isang Mexican beauty influencer na si Valeria Marquez, na din binaril habang nagla-livestream sa isang salon sa Zapopan, Jalisco.
Noong Hulyo, inaresto ng mga awtoridad sa Mexico si Ramon Angel Alvarez Ayala, alyas “El R-1,” na itinuturong lider ng isang criminal cell na may kaugnayan sa Jalisco New Generation Cartel (CJNG).
Iniuugnay ng mga awtoridad si Alvarez Ayala sa pagpatay kay Marquez at inaakusahan ding nag-utos at nagpondo sa pagpaslang sa alkalde ng Uruapan na si Carlos Manzo noong Nobyembre 2025.










