Sumaklolo ang Philippine Coast Guard (PCG) sa paglikas ng daan-daang residente sa lalawigan ng Cavite na nalubog sa baha, dahil sa pag-iral ng habagat.
Ayon sa PCG, kinailangang dalhin sa evacuation centers ang mga ito para matiyak na ligtas ang mga ito sa pagtaas ng level ng tubig at pagguho ng lupa.
Kabilang sa mga tinungo ng rescue teams ang mga nasa low lying areas ng Naic. Noveleta at Ternate.
May ilang nakatatanda pang pinasan na lamang ng PCG personnels, dahil hindi na makalakad ang mga ito.
Habang binalot naman ng tuyong tela ang ilang sanggol, upang matiyak na ligtas ito sa paglikas.
Karamihan sa kanila ay nanatili sa evacuations areas, habang may mga humiling naman na ihatid sila sa kanilang mga kamag-anak.
Nasa 334 na residente ang dinala sa Bucana Sasahan Elementary School at Pueblo Del Mar National High School, habang anim na pamilya naman o 25 residente ang kasalukuyang nananatili sa Barangay Hall ng Bucana Malaki, Naic, Cavite.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ng relief supply ang evacuees, ngunit kailangan munang magpatala ang mga ito sa record ng LGU.
Muli namang nagpaalala ang local health personnel sa mga nagsilikas na sundin pa rin ang minimum health protocols, upang makaiwas sa posibleng hawaan dahil sa COVID-19.