-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaabot sa 600 mga kompaniya sa Shanghai ang kabilang sa prayoridad ng gobyerno ng China na matulungan upang agad makapagsimula muli ng operasyon kasunod ng halos isang buwan nang lockdown sa nasabing lungsod dahil sa paglobo ng COVID-19 infection.

Ayon kay Bombo international correspondent Julie Pearl Retuya, tiniyak ng Ministry of Industry and Information Technology ng China na muling pagagalawin sa pinakamadaling panahon ang supply chains ng technology, industrial at automobile supply dahil kapag hindi ito maagapan, tuluyan nang malulugi ang mga ito sa buwan ng Mayo.

Pahayag pa ni Retuya, kabilang din sa bibigyan ng assistance ay ang mga firms sa computer chip, car making at medical industries.

Napag-alaman na base sa government statistics, nasa 390,000 residente ng Shanghai ang na-infect ng COVID-19 simula noong Marso.

Samantala, inulan naman ng pagkondenda ang mga otoridad kasunod ng kumalat na video footage kung saan makikita ang mga bin bags na may lamang mga patay na aso at pusa na iniwan lang sa tabi ng daan.

Sinasabi na ang mga pinapatay na hayop ay pagmamay-ari ng mga residente na infected ng COVID-19 dahil sa takot na baka makahawa sa iba ang nasabing mga hayop.