-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Aabot sa 500 kilo hanggang 600 kilo ng hindi nabentang kamatis ang itinapon sa apat na lugar na nasasakupan ng mga bayan ng Bayombong at Ambaguio sa Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na lumabas sa validation ng kanilang mga kawani na nagsagawa ng pagsisiyasat na ang nasabing kamatis ay itinapon noong April 10, 2023 ng may-ari na si Eric Tayaban ng Ambaguio, Nueva Vizcaya.

Ang mga kamatis ay dumating noong April 5 sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) Incorporated sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Dahil anya sa panahon ng Semana Santa ay kulang ang mga dumating na buyers sa NVAT upang bumili ng mga gulay kabilang ang kamatis.

May nakaimbak ngayon na 10,000 bags ng sibuyas sa cold storage sa Aritao kaya walang paglalagyan ng kamatis.

Dahil over ripe na ang mga kamatis ay minabuti na lang ng may-ari na itapon sa mga nabanggit na lugar.

Sa ngayon ay nagkakahalaga ng P5 hanggang P10 ang kada kilo ng kamatis sa NVAT at maaring magmahal sa mga susunod na araw dahil pakaunti na ang supply o inaani.

Sa ngayon ay may processing equipment ang DA Region 2 na darating para sa paggawa ng tomato candy at iba pang mga produkto upang hindi ito nasasayang.