Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na hindi magkakaroon ng kakulangan sa baboy habang papalapit ang kapaskuhan.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, magiging stable ang supply ng baboy, manok, bigas at gulay.
Idinagdag ni De Mesa na layunin ng bagong itinalagang Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mapabuti ang produksyon ng mga agricultural commodities.
Nauna nang sinabi ni Laurel na plano niyang magsagawa ng performance review sa mga kasalukuyang opisyal bago magpatupad ng posibleng balasahan sa loob ng ahensya.
Pinaplano rin niyang magpatupad ng mga pagbabago sa pagsasaka ng palay upang mapababa ang gastos ng produksyon sa pamamagitan ng modernisasyon, mas mahusay na patubig at paggamit ng mas mataas na ani na mga varieties.
Matatandaan na una na ring sinabi ni Laurel na hindi posible sa kasalukuyan ang pangako ni Pangulong Marcos sa kampanya na P20 kada kilo ng bigas, lalo na’t mataas pa rin ang presyo sa world market.