Ginisa ni Deputy Minority Leder Stella Quimbo ang Department of Agriculture (DA) sa efficiency ng kanilang mga programa, partikular na ang tungkol sa Rice Tariffication Law (RTL) at pagbaba ng taripa sa inaangkat na karne ng baboy.
Sa plenary deliberations ng 2022 budget ng DA, binigyan diin ni Quimbo na sa kabila ng mga hakbang na ginagawa ng DA ay nananatiling mababa ang paggalaw ng presyo ng palay at baboy.
Duda ni Quimbo, hindi nagagamit ng husto ang kita ng pamahalaan mula sa RTL at hindi rin epektibo sa pangmatagalan ang diskarteng babaan ang taripang sinisingil sa inaangkat na karne ng baboy.
Humigit kumulang P26 billion ang nakolektang taripa ng pamahalaan noong 2019 at 2020, na napunta sa rice competitive enhancement fund (RCEF).
Pero 50.44 percent lamang sa halagang ito ang naibibigay sa mga magsasakang Pilipino hanggang noong Hunyo 2021 dahil sa iba’t ibang balakid tulad ng COVID-19 pandemic.
Ito ang nakikitang dahilan ni Quimbo kung bakit sa halip na mapabuti ang farmgate prices ng palay eh umaabot sa minimum na P13.3 kada kilo ang presyuhan nito makalipas na maaprubahan ang RTL noong 2019.
Samantala, makalipas naman ang tatlong buwan nang inilabas ang executive order para sa pagpapababa ng taripa sa pork imports noong Abril, sinabi ni Quimbo na P10 lamang kada kilo ang ibinaba ng presyuhan sa mga palengke.
Masyadong maliit aniya ito kung ikukumpara sa laki naman ng nawawalang tariff revenues ng pamahalaan sa pork imports, na base sa datos ng Bureau of Customs ay aabot na sa P3.44 billion mula Abril hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan.
Nais man niyang madagdagan ang P91 billion na budget ng DA sa 2022, sinabi ni Quimbo na dapat silipin talaga ng husto ang performance ng kagawaran bago pa man ito gawin.