Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbalangkas ng strategy plan para mapataas ang aanihing palay sa pamamagitan ng pagtatanim ng hybrid seeds sa 1.5 million ektarya ng rice land sa kasagsagan ng dry season.
Ito ang inihayag ng Palasyo Malacañang kasunod na rin ng pag-apruba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa adoption ng hybrid rice varieties na makakatulong sa mga lokal na magsasaka na maparami pa ang kanilang crop production.
Ipinag-utos aniya ng Pangulo na tiyaking may sapat na suporta para sa mga rice farmers sa bansa gaya ng patubig, pataba at iba pang ayuda gaya ng Rice Farmers Financial Assistance na dapat ay maibigay sa tamang panahon.
Maglulunsad din ang DA ng financial at credit program para mahikayat ang mga magsasaka na mag-shift na tungo sa hybrid rice.
Target ng DA na mapalawig ang produksiyon sa Region 6, 8 , 12 at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa ngayon, inadopt na rin ang hybrid rice technology sa Ilocos region, Cagayan Valley at Central Luzon regions.
Base sa joint study ng DA at LGus, nasa 41% na mas mataas na ani ang kayang ma-produce sa hybrid system kumpara sa conventional inbred seeds sa nakalipas na dalawang taon.