Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng mga live cattle o buhay na baka, kalabaw, at kanilang mga produkto at by-products mula sa Libya at tatlo pang bansa.
Ito ay para maiwasan umano ang pagkalat ng lumpy skin disease (LSD) sa ilang bansa, ayon sa DA.
Ang LSD ay isang viral infection na nakamamatay para sa mga baka.
Nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Memorandum Order No. 06 series of 2024 noong Pebrero 1 na nag-uutos ng pansamantalang pagbabawal sa pag-import ng mga naturang item mula sa Libya, Russia, South Korea at Thailand.
Ipinag-utos ni Laurel ang agarang suspensiyon alinsunod sa mga rekomendasyon ng World Organization for Animal Health (WOAH) Terrestrial Animal Health Code Article 11.9.
Ang LSD, na nagmula sa Africa, ay unang naiulat na nagkaroon ng outbreak sa Vietnam at Myanmar noong 2020, ayon sa National Center for Biotechnology Information.
Pagkatapos ay kumalat ito sa Thailand at Laos noong 2021.
Samantala, wala pang naiulat na kaso ng LSD sa Pilipinas at Indonesia, ayon sa organisasyon.
Inatasan din ni Laurel ang Veterinary Quarantine Office ng DA na magsagawa ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga buhay na baka at kalabaw na dumarating sa bansa, gayundin ang kanilang mga produkto at by-products.