-- Advertisements --
bigas

Nagbabala ang Kagawaran ng Pagsasaka sa mga rice hoarders sa Cordillera Region na nakahanda itong magsampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanila.

Ito ay kasunod na rin ng naging kautusan ni PBBM sa DA at DTI na imonitor ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang bigas, at hanapin ang mga indibidwal na posibleng nagtatago ng supply o yaong mga hoarders.

Ayon DA, ang Cordillera ay mayroong 82% rice sufficiency, at isa sa mga rehiyon sa buong Pilipinas na kumukuha ng supply nito mula sa karatig rehiyon.

Posible umanong isa ito sa mga sasamantalahin ng mga traders, daan upang mapataas nila ang presyuhan ng bigas.

Sinabi rin ng DA na ang Cordillera ay isa sa mga rehiyon sa buong bansa na posibleng maapektuhan sa El Nino Phenomenon nauna nang ibinabala ng State Weather Bureau kayat mahalagang mabantayan ang paggalaw ng presyo ng mga produkto rito, lalo na ang presyo ng bigas.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na rin ang DA-Cordillera sa Philippine national Police upang maging katuwang nito sa paghuli at pagsasampa ng kaso laban sa mga posibleng magtatago ng supply ng bigas, sa gitna pa rin ng pangambang ito.

Samantala, ayon sa tagapagsalita ng DA na si Usec rex Estoperez, kasalukuyan ding bine-verify ng kagawaran ang mga report ukol sa umanoy mga nagtatago ng supply ng bigas para lamang makapagbenta sa mas mataas na halaga.