-- Advertisements --

Bilang bahagi ng patuloy na suporta ng national government sa mga magsasakang Bicolano, pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang pamamahagi ng mahigit P75.03 milyong halaga ng tulong pinansyal at kagamitan sa pagsasaka sa Pili, Camarines Sur noong Biyernes.

Kabilang dito ang P10.64-million financial aid sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance para makinabang ang 2,128 rice farmers mula sa mga munisipalidad ng Gainza, Mialor, Bombon, Camaligan, Magarao, Naga City at Pili.

Ang bawat magsasaka ng palay ay tatanggap ng P5,000 mula sa Rice Fund bilang pansamantalang relief dahil sa inaasahang pagbaba sa kita ng sakahan dahil sa Rice Tariffication Law, na magtatapos ngayong taon. Ang mga magsasaka ng palay na nagtatanim ng dalawang ektarya o mas mababa ay kwalipikadong tumanggap ng direct cash assistance.

Bilang karagdagan, ang DA at ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ay nagbigay ng 28 units ng 4WD tractors na nagkakahalaga ng P64.4 M bilang bahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Mechanization Component.

Ang mga farm equipment ay naglalayon na mapahusay ang produktibidad ng mga magsasaka, at tumataas ang produksyon at kita ng mga ito.

Para makamit ang layunin ng national government tungo sa food security at maunlad na sektor ng sakahan at pangisdaan, iginiit ng agri chief na magbibigay ang DA ng iba pang interbensyon tulad ng fertilizer.

Dagdag pa rito, sinabi ni Sec. Tiu Laurel na pagbubutihin ng national governmentf ang mga post-harvest system at imprastraktura, at bubuo ng mahusay na logistics system para sa input at production output.

Ang pamamahagi ng tulong sa sakahan ng DA ay sinaksihan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Camarines Sur Gov. Luigi Villafuerte, Rep. LRay Villafuerte, at DA Regional Executive Director Rodel Tornilla.