-- Advertisements --
image 350

Isinara ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na muling ipataw ang price cap ng bigas sa susunod na buwan.

Ito ay matapos hilingin ng grupo ng mga magsasaka kay Pangulong Marcos na ipatupad muli ang price ceiling para maiwasan ang “artificial rice price crisis” sa pagtatapos ng taon.

Ayon kay DA Undersecretary for policy, planning and regulations Mercedita Sombilla, panandalian lamang kasi ang price cap at tinitingnan ng DA kung may iba pang hakbang na maaaring gawin upang tugunan ang mataas na presyo ng bigas.

Matatandaan na sinabi ng grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na dapat muling ipatupad ni Pang. Marcos ang price ceiling sa Nobyembre upang maiwasan ang mga bagong pagtatangkana pataasin ang retail price ng bigas.

Ayon sa nasabing grupo, ang lahat ay nag-aalala sa posibleng maulit na pagtaas ng presyo ng bigas noong Agosto kung saan sinubukan ng mga mangangalakal na bigyang-katwiran ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa mataas na presyo ng farmgate ng palay.

Giit ng SINAG na ang farmgate price ng palay ay umabot na sa P27 kada kilo at idinagdag na ang pagtaas ng retail price ng bigas ay dapat asahan sa Nobyembre sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pagbili ng mga pangunahing pagkain.