-- Advertisements --

Inapura na ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapalabas ng fuel subsidies at iba pang interbensyon para sa mga lokal na magsasaka at mangingisda upang maibsan ang matinding epekto ng krisis sa Middle East at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sa isang pulong balitaan sa Maynila, inihayag ni DA Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa na mahalaga ang mga hakbang na ito upang maprotektahan ang parehong prodyuser at konsyumer mula sa tumataas na gastos sa abono at freight costs o transportasyon ng mga produktong agrikultural.

Ang nasabing aksyon ay direktiba umano nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Upang mapanatili ang daloy ng suplay ng pagkain, nagpadala rin ang ahensya ng aabot sa 38 Kadiwa trucks sa lalawigan ng Benguet.

Layunin nitong direktang bilhin ang mga aning gulay ng mga magsasaka matapos mapilitang tumigil o magbawas ng biyahe ang maraming mangangalakal dahil sa mahal na krudo.

Binigyang-diin din ng opisyal ang malaking tipid na dala ng pagtanggal sa bayarin sa toll.

Mula sa dating rebate system, ipinapatupad na ngayon ang toll-free na pagdaan para sa mga accredited DA truckers sa mga pangunahing expressways tulad ng SLEX, NLEX, at SCTEX.