-- Advertisements --
image 30

Naglaan ang Department of Agriculture-Agricultural Credit Policy Council ng hanggang sa P200million para sa mga magsasakang sinalanta ng bagyong Egay.

Ito ay bilang pautang ng DA sa mga magsasaka na nagnanais makakuha ng agarang cash bilang pondo sa kanilang pagbangon mula sa naging epekto ng nasabng kalamidad.

Sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program ng nasabing ahensiya, maaaring makakuha ang mga magsasaka ng hanggang sa P25,000 na pondo.

Ang nasabing pera ay babayaran naman ng mga magsasaka sa loob ng tatlong taon, nang walang anumang interest o porsyento.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 123,274 na magsasaka at mga mangingisda na naapektuhan ng nasabing bagyo, mula sa mahigit 147,000 ektarya ng mga sakahan na naapektuhan.

Hinimok naman ng Kagawaran ang mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa na samantalahin ang nasabing programa, habang may nakalaang pondo pa para rito.