-- Advertisements --
kanin

Hinikayat ng Department of Agriculture – PhilRice ang mga local government units sa buong bansa na pangunahan ang pagtitipid ng bigas at pagtitipid ng kanin.

Maalalaang kahapon ay unang ibinunyag ng Philrice ang pagkakasayang ng hanggang P7.2 bilyong halaga ng mga kanin o bigas. Ito ay katumbas ng 385,000 metriko tonelada ng bigas at kanin na nasasayang bawat taon sa buong Pilipinas.

Ayon kay Dr. Hazel Antonio ng DA-PhilRice Development Communication Division head, mayroon nang 46 na ordinansa sa ibat ibang bahagi ng bansa na ipinasa ng mga lokal na pamahalaan upang hikayatin ang publiko na magtipid sa kanin.

Sa mga naturang ordinansa, hinihikayat ang publiko na magpatupad ng tinatawag na default serving ng half rice sa mga kainan.

Ayon kay Antonio, mainam din na sumama ang bawat LGU sa naturang panawagan upang hindi tuloy-tuloy ang pagkasira o pagkasayang ng malaking bulto ng bigas o kanin taon-taon.

Sa kasalukuyan, marami na rin aniyang mga syudad at mga probinsya na dumulog sa kanilang tanggapan upang hingin ang kanilang mga technical inuts ukol sa nasabing isyu.

Maging sa mga food chains ay patuloy din aniya silang nagsasagawa ng mga information campaign kaugnay sa pagtitipid ng kanin, kasabay ng pagnanais na mabawasan ang malaking volume ng nasasayang na kanin.