Nagpatupad si Department of Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. ng malakihang balasahan sa liderato ng ahensiya.
Sa isang statement na inilabas ngayong araw ng DA, sinabi ng ahensiya na ang balasahan sa pangunahing posisyon sa kagawaran ay layuning maging mas episyente pa ang pagsasakatuparan sa marching orders ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisamoderno ang sektor ng pagsasaka at matiyak ang seguridad ng pagkain sa bansa.
Partikular na dito si Senior Agriculture USec. Leocadio Sebastian na kailangang bitawan ang kaniyang ilang mga tungkulin matapos maitalaga bilang adviser ng DA chief sa ilalim ng Technical Advisory Group ng kalihim para mapakinabangan ang kaniyang malalim na pang-unawa sa sektor ng pagsasaka lalo na sa poduksiyon ng bigas.
Itinalaga naman si USec. Nichols Manalo bilang director ng National Rice Program na hahawakan ni Manalo kasabay ng kaniyang posisyon bilang director IV at officer-in-charge-director ng field operations service at director ng national corn program.
Pinangalanan naman si ASec. Arnel de Mesa bilang full-time spokesperson ng DA.
Gayundin, itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) Undersecretary for Operations si Roger Navarro na hahawakan din ang posisyon bilang OIC-Undersecretary for Rice Industry Development, OIC-national project director of the Philippine Rural Development Project, at OIC-Assistant Secretary for Operations.
Tinukoy naman si Undersecretary for Fisheries Drusila Esther Bayate bilang Undersecretary for Policy, Planning and Regulations sa concurrent capacity.
Kabilang din sa pinangalanang hahawak sa iba pang mga posisyon sa DA sina USec. Mercedita Sombilla para pangasiwaan ang operations at coordinate programs ng DA Bureaus.
Si Chief Administrative Officer and OIC director for financial and management service Thelma Tolentino naman ay itinalagang Undersecretary-designate for Finance sa concurrent capacity.
Naatasan naman si Undersecretary Agnes Catherine Miranda na pangasiwaan ang mga operasyon at makipag-coordinate sa mga programa ng DA Attached Agencies at Corporations.