Walang nakitang malisya si Naga City Prosecutor Ruben Almerol Jr. sa komento ni Dominga Bien Realda sa survey na isinagawa ng “Bagong Bicol” Facebook page ukol kay Mayor Nelson Legacion kaugnay sa pagpili ng magiging kandidato bilang alkalde sa 2025 local elections.
Dahil dito, hindi pinalusot ng Naga City Prosecutor’s Office ang inihaing cyber libel complaint ni Mayor Legacion laban sa sinasabing supporter ni dating Vice President Leni Robredo dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Umalma kasi si Legacion sa naging komento ni Realda sa survey na nagsasabing tiwaling opisyal umano ang alkalde.
Giit ng opisyal, mapanira sa kanyang pagkatao at reputasyon ang komento ni Realda kaya naman naghain ito ng cyber libel alinsunod sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ikinatwiran naman ni Realda na pinili lamang niya sa survey si Robredo at ang kanyang komento ay sagot lamang sa pahayag ng isa pang netizen.
Sa resolution, inihayag ng Piskalya na dapat bukas sa mga batikos at puna ng mamamayan ang sinumang opisyal bilang bahagi ito ng kanilang trabaho. Kinatigan din naman ni City Prosecutor Ruvi Jean Villagomez – Cariño ang naging resolusyon.