-- Advertisements --

Patuloy pang gumugulong ang imbestigasyon kaugnay sa insidente ng cyber attack kamakailan sa website ng House of Representatives ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Base sa preliminary findings, sinabi ni DICT USec. Jeffrey Dy na tinangka ng mga salarin na atakehin ang website gamit ang tinatawag na Botnet relay na nagmumula sa ibang mga bansa.

Paliwanag ng DICT official na ang Botnet ay isang computer na pagmamay-ari ng isang ordinaryong indibidwal o ng isang ordinaryong modem na infected ng virus o malware kung saan ang users ay hindi aware na ginagamit ito sa paglulunsad ng cyber attacks sa ibang bansa.

Sa ngayon, hindi pa aniya natutukoy ang pinagmuln ng cyber attack.

Matatandaan na noong Miyerkules, Marso 13, kinumpirma ng HOR ang cyber attack sa kanilang website kung saan mayroong naitalang 541.66 million Distributed Denial-of-Service (DDoS) attacks.

Ang naturang klase ng cyberattack ay layuning ma-disrupt ang normal functioning ng isang website o network sa pamamagitan ng pag-overwhelm dito ng traffic o requests.

Sinabi naman ni Dy na nangyayari na ang naturang pag-atake sa website ng HOR noon pang Disyembre ng nakalipas na taon subalit matagumpay namang napigilan ito ng ahensiya.