-- Advertisements --
image 484

Target ng Land Transportation Office (LTO) na bahagyang baguhin ang pagsusulit sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho upang mas maging akma sa mga aplikante.

Kaugnay nito, nilalayon ng ahensya na lumikha ng “customized” na mga katanungan para sa mga aplikante nang hindi nawawala ang pagbibigay diin sa kaligtasan sa kalsada.

Tatalakayin naman ng mga opisyal ang panukalang ito sa darating na LTO Districts Conference ngayong linggo bunsod ng kumalat na road rage incidents.

Liban dito ayon pa kay LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza, pag-aaralan din ng ahensiya ang gagawing enhancement sa aktwal na pagsusulit.

Ang ideya sa likod ng panukalang baguhin ng bahagya ang pagsusulit ay para tiyaking nakahanay ito sa partikular na kailangan at intensiyon sa pagmamaneho ng aplikante.

Sa pamamagitan ng pag-customize din sa mga katanungan, layunin ng LTO na i-assess ang kaalaman at kakayahan ng isang indibidwal sa areas na akma sa kanilang driving activities.

Inihalimbawa ng opisyal kung ang isang aplikante ay nagpaplanong magmaneho ng motorsiklo, ang mga tanong sa pagsusulit ay mas nakatuon sa motorcycle safety, handling, at traffic rules para sa motorcycles.

Kung ang isang aplikante naman ay nagnanais na magmaneho ng isang komersyal na sasakyan, ang mga tanong ay iaakma upang masuri ang kanilang pag-unawa sa mga regulasyon at responsibilidad ng commercial driving.