Balak ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na alisin na o kahit i-adjust man lang ang curfew hours sa National Capital region kasabay nang pag-apela sa mga may-ari ng malls na magbukas sa mas mahabang oras.
Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos, tatanungin muna niya ang mga alkalde sa Metro Manila kung maari na bang ibasura o bawasan ang curfew hours.
Ito ay makakatulong din sa nais niyang pagpapalawig sa mall hours ng hanggang alas-12:00 ng madaling araw para mabawasan na rin ang trapiko at makatulong sa ekonomiya ng bansa.
Bukod dito, iminungkahi rin niya na kung maari ay itaon na lamang ang pagsasagawa ng mga sales sa weekends at holidays lamang at hindi tuwing weekdays.
Magugunita na simula noong Oktubre 13, ang curfew sa Metro Manila ay pinaiksi na mula alas-12:00 ng madaling araw hanggang alas-4:00 ng umaga.