Nasa kabuuang 345,293 examinees ang kumuha ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) Professional at Subprofessional level na isinagawa ng Civil Service Commission (CSC) noong Agosto 20, 2023.
Batay sa datos ng CSC, mula sa 373,638 indibidwal na nagparehistro para sa pagsusulit, 92.41% ang nagpakita sa 95 testing center sa buong bansa na binubuo ng 304,247 examinees para sa CSE-Professional Level, at 41,046 examinees para sa Subprofessional Level.
Ayon kay Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles kanilang ikinalulugod na ibahagi na naabot na namin ang isa pang milestone para sa CSC sa kapansin-pansing pagdami ng mga kalahok na kumukuha ng CSE-PPT sa loob lamang ng isang taon ng kalendaryo.
Ayon kay Nograles ito ay patunay na napakalaki ng demand sa pagkuha ng career service examination, at marami sa mga kababayan natin ang nasi makapasok sa gobyerno.
Nabatid sa CSC, sa lahat ng mga rehiyon, ang National Capital Region ang may pinakamalaking turnout ng examinees na umabot sa 48,200, na sinundan ng Region IV at Region III na may 39,355 at 24,227 aspirants.
Pinuri rin ni Chairperson Nograles ang maayos na pagsasagawa ng mga pagsusulit sa buong bansa dahil masigasig na sumunod ang mga examinees sa examination advisory at health protocols na inilabas ng CSC.