-- Advertisements --

Inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang Resolution No. 2501292 na nagbibigay ng hanggang limang araw na wellness leave para sa mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno.

Layunin ng bagong polisiya na palakasin ang implementasyon ng Republic Act No. 11036 o “Mental Health Act” at tugunan ang lumalalang stress at burnout sa hanay ng mga manggagawa.

Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap, ang wellness leave ay isang proactive response upang bigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na makapagpahinga, makabawi, at maalagaan ang kanilang sarili. Ang wellness leave ay hiwalay sa sick leave at vacation leave, at nakatuon sa mental at physical well-being ng mga kawani.

Batay sa 2025 Global Workplace Report, ang mga Pilipino ay may ikalawang pinakamataas na antas ng stress sa Southeast Asia, kaya’t higit na kinakailangan ang ganitong hakbang.

Ang wellness leave ay maaaring gamitin nang tuloy-tuloy ng tatlong araw o hiwa-hiwalay, ngunit hindi nadadagdag taon-taon at mawawala kung hindi nagamit.

Inaasahang makakatulong ito upang mabawasan ang absenteeism, mapabuti ang productivity, at mapalakas ang resilience ng bureaucracy.

Sa kabuuan, nakikita ang wellness leave bilang mahalagang hakbang tungo sa mas makatao at inklusibong serbisyo publiko.