GENERAL SANTOS CITY – Nakatakdang sampahan ng grave coercion at paglabag ng Republic Act 9995 o Anti Photo and Video Voyeurism Act in relation to Cybercrime Prevention Act ang isang criminology graduate dahil sa reklamong sextortion.

Naaresto ang suspek na nakilalang si Dan Amerson Mastura sa isinagawang entrapment operation ng operatiba ng Regional Anti-Cybercrime Unit 12.

Isinagawa ang operasyon sa isang lodging house sa Barangay Dadiangas East nitong lungsod matapos na nagkasundo ang 19-anyos na biktima at suspek na magkita.

Sa ginawang imbestigayon ng pulisya, isang kakilala umano ng suspek ang nagbigay sa kanya ng mga larawan ng biktima.

Nakipag-chat pa raw sa biktima ang suspek at nagbanta na ipapakalat ang mga larawan kung hindi makikipagtalik sa kanya.

Kaya naman dumulog sa Anti-Cybercrime Unit ang biktima at isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.