-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mayroon nang sinisiyasat na motibo ang mga kasapi ng Alicia Police Station sa pagpatay sa isang lalaki na natagpuan ang bangkay sa Barangay Del Pilar, Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Ardee Tion, hepe ng Alicia Police Station, sinabi niya na matapos mapaulat at mailathala sa social media ang pagkakatagpo sa bangkay ng isang lalaki sa kanyang nasasakupan ay nagtungo sa kanilang himpilan ang pamilya ng biktima at positibo siyang kinilala ng kanyang kaanak.

Nakilala ang biktima na si Jonard Bulaso Baquiran, may asawa, pahinante, tubong Camarines Sur at residente ng Barangay Furao, Gamu, Isabela.

Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na selos ang nakikitang motibo sa pagpaslang ng hindi pa pinapangalanang pinaghihinalaan sa biktima.

Batay sa pahayag ng kanilang testigo labis umano na pinaghihinalaan na may relasyon ang kanyang asawa sa biktima.

Dahil sa mga nakuhang ebidensiya kung kaya’t ihinahahanda na ng Alicia Police Station ang mga kinauukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong pagpatay laban sa pinaghihinalaan.

Una rito, bangkay na nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki sa gilid ng lansangan sa Barangay Del Pilar noong sabado.

Lumabas sa pagsusuri sa naturang bangkay na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril na nagsanhi ng kaniyang kamatayan.

Nagpapasalamat naman si Major Tion sa naging partisipasyon ng media upang agarang mahanap ng pamilya ang nasabing biktima.

Hinihinalang unang dinukot ang biktima dahil bago matagpuan ang bangkay ay dalawang araw na siyang pinaghahanap ng kanyang pamilya.