-- Advertisements --

Kakaunti lang ang epekto sa credit standing ng Pilipinas sakaling maaprubahan ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 3), na naglalaman ng P370-billion halaga ng economic interventions.

Sinabi ito ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda matapos na inanunsyo ng International Monetary Fund (IMF) na mayroong sapat na fiscal space pa ang Pilipinas na maaring gamitin para masuportahan ang recovery ng bansa sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Salceda na mahalaga ang pagkakaroon ng mas marami pang fiscal support, partikular na sa vaccination, lalo pa at hindi raw siya kuntento sa sagot ng Department of Health sa kung magkano ang kakailanganin na pondo para sa vaccine rollout sa mga nagdaang pagdinig nila hinggil sa Bayanihan 3


Sa kanyang tantiya, sinabi ng kongresista na hindi sapat ang P4-5billion na isinagot ng DOH para makapagsagawa ng mega-vaccination, lalo na kapag luluwag na ang global supply pagkatapos ng buwan ng Hulyo.

Kung titingnan, ang mga bansang may mas karanasan tulad ng United States natukoy na sa kada dolyar na inilalaan para sa bakuna, nangangailangan ng nasa 80 cents pa para maiturok ito.

Hindi kasi aniya mura ang gastos sa transportation, storage, personnel costs, at syringes.

Binigyan diin ni Salceda na hindi makakabalik sa normal ang buhay ng lahat hangga’t walang mass vaccination, na posible lamang mangyari kung sasapat ang pondo para sa rollout nito.