Target ng pamahalaan na maiangat sa A-level ang credit rating ng Pilipinas bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa taong 2028.
Nangangahulugan ito ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno na mas magiging malakas ang repayment capacity ng bansa at mababa ang risk of default.
Ayon pa sa kalihim target na makapag-secure ng A-level credit rating mula sa isa sa tatlong malalaking debt watchdogs gaya ng Fitch Ratings, Standard & Poor’s at Moody’s.
Aniya, mayroong A rating ang bansa mula sa isang Japanese agency gayundin nakakuha ng triple A mula sa China.
Sa kasalukuyan, mayroong rating na BBB o good credit quality ang Pilipinas sa Fitch Rating na kunti na lamang at maaabot na ang rating na A o high credit quality.
Habang sa Standard & Poor’s, binigyan ang bansa ng BBB+, isang investment grade rating na nangangahulugan na mayroong sapat na kapasidad ang bansa para bayaran ang mga pinansiyal na obligasyon nito.
Sa parte naman ng Moody’s, nakakuha ang bansa ng Baa2 rating na nagpapakita ng moderate credit risk.