Ikinababahala ng Commission on Population and Development (CPD) ang posible muling pagtaas ng bilang ng mga teenage pregnancy sa buong bansa, kasabay ng full implementation ng face-to-face classes.
Ayon kay CPD Deputy Executive Director Lolito Tacardon, ang pagluluwag sa pagbabalik ng mga estudyante sa mga paaralan, kasama na ang pagtanggal sa restrictions pagdating sa curfew, ay posibleng magdulot ng panibagong pagtaas ng bilang ng mga nabubuntis na mga kabataan.
Ito ay sa kabila ng naitalang pagbaba sa bilang ng mga nabuntis na kabataan noong 2022, na pinaniniwalaang dahil sa restriction sa face to face classes.
Batay kasi sa naging report ng National Demographic and Health noong 2022, bumaba ang bilang ng mga kaso ng teenage pregnancy sa mga kabataang may edad 15 hanggang 19.
Ayon kay Tacardon, kailangan itong mabantayan ng mga magulang at ng pamahalaan, upang hindi maulit ang mataas na kaso ng teenage pregnancy bago pumasok ang pandemiya.
Samantala, ikinababahala rin ng opisyal ang nakita nitong pagtaas ng bilang ng mga nabuntis na kabataang may edad 10 hanggang 14.
batay kasi sa datus ng Civil Registry, umabot sa 2,300 ang bilang ng mga nabuntis na batang nasa nasabing edad noong 2021, habang 2,000 lamang ang naitala noong 2020.
Ayon kay Director Tacardon, ang naturang kaso ay dahil sa ibat ibang dahilan katulad ng panggagahasa, at pang-aabuso ng mga kaanak.
Marami rin dito ay kagagawan ng mga lalaking partner ng mga kabataang nabuntis, na malayong mas matanda kumpara sa kanila.