-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbabawal at magpaparusa sa diskriminasyon laban sa mga taong kumpirmado, suspect, probable at recovered cases ng COVID-19, gayundin sa mga healthcare workers at service providers.

Sa botong 204 na affirmative, zero na negative at isang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6817, o ang proposed “COVID-19-Related Anti-Discrimination Act, isang araw matapos itong aprubahan ng House Defeat COVID-19 Committee.

Layon ng panukalang ito na proteksyunan  laban sa diskriminasyon ang mga nahawa at naka-recover sa COVID-19, pati na rin iyong mga nasa medical, logistical at service support sa kanila.

Kinikilala rin nito ang kabayanihan ng mga health workers, responders at service workers na nagsisilbong frontliner sa laban kontra COVID-19.

Sinumang mangha-harass o aatake sa mga taong pinuproteksyunan ng panukalang ito ay paparusahan ng isa hanggang 10 taon na pagkakakulong o pagmumultahin ng P200,000 hanggang P1 million dipende sa ipapataw ng korte.