-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inamin ng lalaking nagpositibo sa bayan ng Solana na nagtatrabaho sa lungsod ng Santiago na marami siyang nakausap at nakasalamuha bago malaman na siya ay positibo sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), sinabi niya na batay sa kanyang pakikipag-usap sa pasyente ay marami itong nakausap at nakasalamuha sa Santiago City gayundin sa kanilang bayan sa Solana, Cagayan noong hindi pa niya alam na siya ay positibo sa virus.

Kasama na rito ang kanyang pamilya kaya pinasundo na rin ang kanyang maybahay kahapon dahil mayroon na rin itong sintomas tulad ng sore throat at lagnat.

Ayon pa sa pasyente, matagal na dumating ang resulta ng kanyang swab test kaya nagpatuloy lamang siya sa kanyang pagtatrabaho lalo na at wala naman siyang naramdamang sintomas.

Umabot aniya sa 12 araw bago nalaman ang resulta ng kanyang swab test na positibo siya sa virus.