KORONADAL CITY – Kaagad isinailalim sa walong araw na temporary lockdown ang apat na purok sa isang barangay sa Tampakan, South Cotabato matapos nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang isang kasapi ng PNP-SAF (Philippine National Police-Special Action Force).
Ito ang kinumpirma ni Barangay Lambayong Kagawad Antonio Coy, chairman ng Committee on Health sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kabilang aniya sa mga purok na isinailalim sa lockdown ay ang Prk. Bagong Silang, Pagkakaisa, Mabuhay at Pag-asa matapos dumating ang pulis noong Hunyo 12.
Ayon kay kagawad Coy, sa halip na sumailalim ito sa mandatory quarantine ay inimbita pa nito ang kaniyang mga kaanak, pamilya, at mga barkada noong Hunyo 15 bago tuluyang umalis papuntang Malalag, Davao del Sur kinabukasan.
Maliban dito, binisita rin umano nito ang Barangay Kipalbig at Maltana, at pumunta sa isang hardware store sa Lungsod ng Koronadal na isinailalim na rin sa contact tracing.
Nagdulot ng alarma at takot sa nasabing mga lugar ang ginawa ng pulis kung saan 14 na direktang nakasalamuha ng pulis kabilang ang kaniyang pamilya ay isinailalim na sa quarantine na inaasahan namang dadami pa.
Nabatid na nasa mahigit 400 kabahayan ang apektado ng lockdown.
Sa ngayon ay mahigpit na binabantayan ng mga barangay official ang exit points upang maiwasan ang mas pagkalat ng COVID-19.
Samantala, tiniyak ni Tampakan Mayor Leonard Escobillo na tutulungan nito ang mga mamamayang apektado ng lockdown.
Umaapela rin ito sa mga residente na manatiling kalmado sa gitna ng nararanasang krisis.










