Sasailalim sa quarantine ang mga bumbero na rumesponde sa naganap na sunog sa critical care unit ng isang ospital sa Ahmedabad, India na kumitil sa buhay ng walong katao.
Ayon kay senior fire department official Rajesh Bhatt, nagsimula umano ang apoy nang biglang may nag-short circuit sa mga kuryente dahilan upang masunog ang PPE kit ng isang staff member.
“The staffer started running around the critical care unit in panic and the fire spread as a result,” saad ni Bhatt.
Kaagad na inaresto ng mga otoridad ang isa sa mga direktor ng ospital at isasailalim ito sa imbestigasyon.
Kinumpirma naman ni Bhatt na sa loob ng isang oras ay naapula na nila ang apoy. 40 pasyente ang dinala muna sa ibang ospital para doon gamutin.
Nakahanda namang magpadala ng kahit anong tulong si Prime Minister Narendra Modi sa mga pamilya ng biktima.
Mayroon lamang tatlong araw ang mga pulis para imbestigahan kung sino ang responsable sa insidente.