
MANILA – Aabot na sa 24,823 ang kabuuang bilang ng naitalang “suspected” adverse events following immunization (AEFI) sa Pilipinas mula nang mag-umpisa ang pagro-rolyo ng COVID-19 vaccines.
Ayon sa Department of Health (DOH), kabilang na rito ang halos 7,000 “non-serious,” at 164 serious AEFI sa bakuna ng Sinovac.
Habang 17,709 ang kabuuang suspected AEFI sa AstraZeneca vaccines, kung saan 17,503 ang non-serious at 206 na reported serious adverse events.
“All of these are being investigated, some of the results of the investigations have been out already,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Una nang ipinaliwanag ng mga eksperto na tinatawag na AEFI ang kahit anong insidente na nangyari sa isang nabakunahan, sa loob ng 30-araw na siya ang nakatanggap ng bakuna.
Sa ngayon wala pa naman daw nakikitang ebidensya ang National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) na may ugnayan ang bakuna sa mga naitalang seryosong adverse events.
Bukod dito, wala pa rin daw naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga tapos nang makatanggap ng dalawang dose ng bakuna.
Batay sa tala ng DOH, aabot na sa higit 1.1-million ang naturukan ng COVID-19 sa bansa.
Ang 140,000 daw sa mga ito ay healthcare workers na naka-kumpleto na ng dalawang vaccine doses.
Ipinaalala naman ni Usec. Vergeire na ang bisa ng mga bakuna sa ngayon ay limitado lang sa pagpigil na lumala ang impeksyon sa sakit.
“Lahat ng bakuna na available for EUA ay walang kapasidad para magblock ng transmission. Kahit ikaw ay bakunado na, you can still get infected and infect others.”