PUNE, India – Nakatakda raw mag-apply para sa emergency license ng COVID-19 (Coronairus Disease) vaccine na gawa ng Serum Institute of India (SII), na isa sa pinakamalaking vaccine manufacturers sa buong mundo.
Ayon kay Adar Ponnawala, chief executive ng SII, handa ang kanilang kompanya na mag-produce ng 100-million dose ng bakuna kada buwan simula sa susunod na taon.
“We are in the process of applying for an emergency use license in the next two weeks. Even if the approval comes maybe two weeks later or something like that, it will not make much difference to the delivery and the quantum of doses that we will be able to distribute,” ani Ponnawala sa artikulo ng AFP.
Target ng pamahalaan ng India na makapag-produce ng hanggang 400-million doses ng bakuna sa ikalawang quarter ng 2021.
Nasa ikalawang puwesto ang India sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong mundo.
Ayon kay Ponnawala, magsisimula sa hanggang 60-million doses ng bakuna ang kanilang ilalabas sa unang quarter ng susunod na taon. Dadagdagan naman daw nila ito ng aabot sa 100-million dose sa mga susunod na buwan.
Bukod sa kanilang bansa, makakatanggap din ng bakunang gawa ng SII ang higit 150-bansa na kasali sa COVAX Facility.
Batay sa datos ng Department of Science and Technology ng Pilipinas, anim na COVID-19 vaccine sa buong mundo ang nauna ng bigyan ng approval para sa “early” at “limited use.”(AFP)