Pag-aaralan pa raw ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang panawagang magpatupad ng travel ban sa South Korea dahil sa patuloy na pagtaas ng novel coronavirus (COVID-19) cases sa nasabing bansa.
Sa isang panayam sinabi ng isang miyembro ng task force na si Justice Sec. Menardo Guevarra, isa ang travel ban sa South Korea sa pag-uusapan ng kanilang hanay kapag nag-meeting na sila ngayong linggo.
Sa inilabas na advisory ng Department of Foreign Affairs, pinayuhan ng ahensya ang mga Pilipinong travelers na i-delay o iurong muna ang schedule ng kanilang biyahe sa South Korea bilang preventive measure para makaiwas sa banta ng sakit.
Currently, there is no travel ban imposed on Filipinos traveling to South Korea but travelers are cautioned to delay non-essential travel to the country as a precaution. END
— DFA Philippines (@DFAPHL) February 23, 2020
Ayon kay Christian De Jesus, ang consul general ng Philippine Embassy sa Seoul may higit 2,000 Pilipino ang nagta-trabaho at nanunuluyan sa probinsya ng Gyeongsang.
Higit 1,600 raw dito ay naka-base sa provincial capital na Daeug kung saan naitala ang pinaka-maraming kaso ng COVID-19.
Ani De Jesus ilalabas ngayong araw ng South Korean government ang mga sakop na panuntunan ng red alert na ipinatupad ni President Moon Jae-In kahapon.
Sa ngayon, mahigpit umano ang paalala ng pamahalaan ng South Korea sa mga residente nito na manatili sa kanilang tahanan at umiwas ang paglabas o pagpunta sa matataong lugar.
Samantala, kinumpirma ni Health Asec. Rosette Vergeire na nasa 59 na Pinoy na ang nag-positibo sa COVID-19 habang naka-sakay sa Diamond Princess cruise ship na nasa Japan.
Lahat daw ng nag-positibo ay crew ng barko. Mula naman sa walong Pinoy passengers, isa ang nagkaroon ng close contact sa may sakit kaya naka-quarantine muna sa ospital sa Tokyo.
Bukas nakatakdang dumating ng Pilipinas ang mga Pinoy na sakay ng cruise ship bilang bahagi ng repatriation efforts ng gobyerno.