ILOILO CITY – Nagpalabas ng executive order si lokal na pamahalaan ng Iloilo City hinggil sa pagpapatupad ng weekend block-off simula Abril 18.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na kung ipatupad na ang weekend block-off, hindi papayagang magbukas ang lahat ng commercial establishments kagaya ng grocery stores at supermarkets.
Ayon kay Treñas, ang pharmacy at hospital lamang ang magpapatuloy sa operation sa araw ng Sabado at Linggo.
Maliban rito, inimungkahi rin ni Treñas na kung maaari, ipatupad na rin ang work from home arrangement upang malimitahan ang posibilidad ng local transmission ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Napag-alaman na nagsimula na ang mass testing sa Iloilo City at pinalawig hanggang Abril 30 ang Enhanced Community Quarantine.