Aminado si Vice President Leni Robredo na hindi pa rin sapat ang 30,000 coronavirus test na nagagawa ng gobyerno sa isang araw para labanan ang COVID-19 pandemic.
Sinabi ng bise presidente na mas kailangan pang paigtingin ng gobyerno ang kanilang ginagawang coronavirus test kada araw.
Malaking tulong pa rin naman aniya ang nagawa ng paglalagay ng Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MGCQ) dahil kahit papaano raw ay nakakakita ng pag-asa ang publiko.
Subalit hindi pa rin dapat magpakampante ang lahat lalo na at may mga bansa na biglang tumataas ang COVID-19 case sa kabila ng walang bagong infection na naitatala sa loob ng 100 araw.
Ayon pa sa ikalawang pangulo, magandang bagay ang maliliit na tagumpay na nagagawa ng bansa dahil ibig sabihin lamang nito ay kaya nating lagpasan ang pandemic.
Hirit pa nito, mas maagapan sana ang krisis kung mas naging mabilis ang pagdedesisyon ng gobyerno sa mga hakbang para kontrolin ang pagkalat ng deadly virus.