Hinihintay na lang daw ng Department of Health (DOH) na lumabas ang resulta ng COVID-19 tests na ginawa sa mga bagong uwing Pinoy overses workers at non-OFW na dumaan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasunod ito ng ulat na hininto muna ng Philippine Coast Guard (PCG) medical team sa NAIA ang swab test operations dahil sa kakulangan ng test kits.
Aminado ang DOH nagkaroon ng kakulangan sa swabbing kits kaya nagka-aberya rin sa ginagawang trabaho sa PCG sa paliparan.
“Nais po naming linawin na hindi po naubusan ang Philippine Coast Guard ng mga test kits. Bagkus, nagkaroon po tayong ng shortage o kakulangan sa mga pang-swab ng ating mga nagbabalikbayan na OFW.”
Sa ngayon nabigyan na raw uli ng panibagong batch ng specimen collection kits ang PCG medical team.
“Ang mga specimen naman ay pinapadala sa ating lisyensadong laboratoryo upang ma-proseso gamit ng RT-PCR.”
Nitong June 1, higit 500 seafarers at iba pang OFW mula Kuwait ang lumapag sa NAIA Terminal 2, na hindi nasailalim sa test.