-- Advertisements --

Simula bukas mago-operate na bilang testing facility para sa COVID-19 ang inaprubahang laboratoryo mula lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Quezon Gov. Danilo Suarez, nasa Lucena United Doctors Hospital and Medical Center ang Bio Safety Laboratory na certified ng Department of Health.

Dahil dito, hindi na raw kailangang dalhin pa sa Research Institute for Tropical Medicine, Alabang, Muntinlupa City ang kanilang mga residente magpapa-test.

“Nais po natin ibahagi ang magandang balita na approved na ng Department of Health ang ating COVID-19 BIO-SAFETY LABORATORY 2+. Dahil po dito, magkakaroon na po tayo ng sariling testing area at mapapabilis na malaman ang resulta,” ani Suarez sa isang Facebook post.

Ang pagkakatayo daw ng pasilidad ay sanib-pwersang pagtutulungan ng provincial government, Lucena City government at mismong ospital.

Bukod sa Quezon province residents, bukas din ang pasilidad para sa mga taga-Marinduque.

Dalawang araw ang tinatayang itatagal bago lumabas ang resulta ng tests na gagawin sa bubuksang laboratoryo.

Dagdag pa ni Gov. Suarez, libre ang test sa ilalim ng PhilHealth.

Sa huling tala ng provincial government, nasa 81 ang total na bilang ng confirmed cases sa Quezon.

May 53 nang gumaling, habang walo ang namatay.