-- Advertisements --
MANILA EVACUATION ROLLY
IMAGE | Evacuation center situation in Rosauro Almario Elementary School, Tondo, Manila City/Christian Yosores

Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagsasailalim sa COVID-19 testing ng mga rescuers at iba pang rume-responde sa panahon ng natural calamity, tulad ng nagdaang Super Typhoon Rolly.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng hindi maiiwasang paglabag sa ilang minimum health standard tulad ng physical distancing, at pagsusuot ng face mask at face shield habang nasa panahon ng evacuation.

“Hindi kinakailangan sumailalim sa testing ang ating responders as long as sila ay asymptomatic, at walang history of exposure to a confirmed or probable case as certify by a phyisician,” ani Health Sec. Francisco Duque.

Paliwanag ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, maaaring magpatupad ng symptoms screening at monitoring sa sintomas ng evacuees ang local government units.

“In the ideal set up, ‘yan ay napakaganda sana na nate-test sila (evacuees) lahat before they go back to their communities, pero in lieu of these testing for all people we need our BHERTs na ma-mobilize at makapag-monitor ng mga tao kapag nakabalik na sa komunidad.”

Sa ilalim ng isang DOH department order, inaatasan ang Centers for Health Development ng bawat LGU na magtalaga ng safet officer sa evacuation centers.

Sila raw ang may mandato na mamuno sa pagpapatupad ng symptoms screening at minimum health standard sa pinaglilikasan ng mga residenteng apektado ng kalamidad.

COVID-19 RISK SA EVACUATION CENTERS

Aminado si Dr. Gloria Balboa, ang direktor ng Health Emergency Management Bureau na hamon ang physical distancing at pagkakaroon ng handwashing area sa evacuation sites.

“Kung walang sintomas and they are family, pwede silang magsama (sa modular tents) but as much as possible ma-maintain ang distancing. Pero yung mga hindi magkakilala, tayo ay dapat maging mas strict.”

“If congested ang evacuation center kailangan maghanap ng ibang center para ma-decongest sila.”

Ayon kay Vergeire, may memorandum na inilabas ang DOH na naglalaman ng guidelines sa prevention at control ng COVID-19 sa panahon ng evacuation.

Nakapaloob din daw dito ang pagsisiguro ng safety officers na magkahiwalay sa populasyon ang mga itinuturing na vulnerable at makikitaan ng sintomas.

Pinayuhan naman ng opisyal ang mga inililikas na sumunod pa rin sa health protocols kahit nasa gitna ng maraming tao.

“Do not stay the whole day inside that (modular) tent, try to go out and yung air (kailangan) kasi enclosed yan, mahirap na palagiang nasa loob. Hindi healthy sa mga kababayan.”

“But because it is a modular tent, we are assured na yung mga cover nya sa side can serve as a partition and can prevent further infection.”