Buo na umano ang loob ni dating Bulacan 1st District Engineering asst. chief Brice Hernandez na ilabas ang lahat ng nalalaman ukol sa korapsyong nangyayari sa mga flood control project.
Ayon sa legal counsel ni Hernandez na si Atty. Raymond Fortun, nakapagdesisyon na ang kaniyang kliyente na ilabas ang lahat ng nalalaman ukol sa flood control scandal, hindi lamang sa pagharap niya sa congressional hearing kungdi maging sa Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Simula nitong nakalipas na lingo ay nagdesisyon aniya ang kaniyang kliyente na makipagtulungan na sa mga serye ng imbestigasyon ukol sa naturang anomalya.
Inihalimbawa ni Atty. Fortun ang ginawa ni Hernandez na pagpapasakamay sa ICI sa kaniyang luxury car upang ipakita ang kaniyang sinseridad. Isa pang mamahaling sports car ang nakatakda niyang ipasakamay sa ICI sa mga susunod na araw.
Daan din ito aniya upang mabigyan siya ng seguridad sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) dahil sa sa bigat ng mga sensitibong impormasyon na kaniyang inilalabas at posible pang ilalabas sa mga susunod na araw.
Ayon pa kay Fortun, ipapasakamay na rin ni Hernandez ang kaniyang computer sa ICI, kasunod ng nauna nang pagbibigay ng ilang sensitibong dokumento, kapwa sa Senado at sa naturang komite.
Ang mga naturang dokumento aniya ay naglalaman ng mahahalagang ebidensiya at mga impormasyon ukol sa pagkakasangkot ng ilang mga malalaking indibidwal sa flood control scandal.