-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patuloy pa rin ang pagpasok sa trabaho ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa South Korea sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease o COVID-19.

Ito ay sa kabila ng pagbabawal sa mga tao na pumunta sa mga pampublikong lugar para makontrol ang pagkalat ng naturang sakit.

Sa report ni Bombo International Correspondent Norberto Jalayahay Jr., ng Sorsogon City at OFW sa Daegu, South Korea, pansamantala munang kinansela ang pasok sa mga paaralan at nakasarado na rin ang ilang establisyemento dahil sa takot na mahawaan ng virus.

Subalit sa gitna aniya ng banta ng COVID-19 ay obligado pa rin sila na pumasok sa kani-kanilang trabaho at kailangan lang na i-monitor ang kanilang mga temperatura para matiyak na ligtas sila sa sakit.

Ayon kay Jalayahay, kung sakali naman na may sintomas ng sakit ay kailangang tumawag sa itinalagang landline number para sila ay sunduin sa kanilang bahay ng mga medical staff.

Kasunod nito ang pagdala sa kanila sa quarantine area dahil hindi aniya sila tatanggapin sa mga ospital mapa-pribado man o pampubliko.

Nagsasagawa rin aniya sila ng mga precautionary measures tulad na lng ng pagkakaroon ng proper hygiene, paggamit ng face mask at hand sanitizer.

Samantala, may mga nagpapatrolyang otoridad sa mga pampublikong lugar para magbigay ng abiso at ma-monitor ang mga indibidwal na mayroong “flu-like symptoms.”