-- Advertisements --

Nilinaw ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi sila magpapatupad ng road closure at walang gagawing mga road blocking sa pag-iral ng community quarantine sa Metro Manila.

Sa press conference sa unang araw ng community quarantine, inihayag ni NCRPO chief M/Gen. Debold Sinas na checkpoints lamang ang kanilang ipapatupad.

Nasa 50 checkpoints aniya ang na-establish ng NCRPO sa mga borders ng rehiyon na minamandohan ng nasa mahigit 2,000 mga police personnel.

Makakasama rin ng mga pulis sa checkpoints ang mga sundalo, kinatawan mula sa Department of Health, Bureau of Fire Protection, at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Ayon sa heneral, mga local police ang siyang magmamando sa mga border checkpoints sa na “mobile” at hindi “fixed.”

Binigyang-diin ni Sinas na mahigpit din nilang ipapatupad ang “social distancing policy” sa mga na-establish na chekcpoints.

Dito ay sisitahin ng mga otoridad ang mga sasakyan na siksikan ang mga pasahero gaya sa mga jeep at bus.

Sinabi ni Sinas, “kailangan may gap na isang upuan” at maging sa mga pila ay dapat panatilihin ang one meter distance.

Siniguro naman ni Sinas na ang mga pasaherong sasakay ng city bus papasok ng Metro Manila ay isasailalim sa inspeksyon sa mga designated pick-up point.