Nais ni Senator Sherwin Gatchalian na mas palakasin ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa sektor ng edukasyon kasabay ng isinusulong na pag-amyenda sa Local Government Code upang mapataas ang kakayahang pinansyal ng mga local government unit (LGU).
Ayon kay Gatchalian, dapat samantalahin ang repormang ito upang hindi lamang mapalakas ang pondo ng LGU kundi mapahusay din ang kalidad ng edukasyon sa kani-kanilang nasasakupan.
Sa ilalim ng kanyang panukala na 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53), nais palawakin ang komposisyon at tungkulin ng mga Local School Board upang maging mas epektibo ang kanilang papel sa pamamahala ng edukasyon sa lokal na antas.
Kabilang sa mga responsibilidad ng mga board ang pagbuo ng mga polisiya na tututok sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa kanilang lugar.
Iminumungkahi rin sa panukala ang paggamit ng malinaw na sukatan upang masuri ang performance ng mga paaralan at LGU, kabilang ang, antas ng partisipasyon ng mga mag-aaral, bilang ng dropout at out-of-school youth, achievement scores, pagtatayo ng mga child development centers. Layunin nitong matiyak na may konkretong basehan ang mga programa at polisiya sa edukasyon.
Bahagi rin ng panukala ang pagpapalawak sa paggamit ng Special Education Fund (SEF).
Sa ilalim nito, maaaring gamitin ang pondo para sa, sahod ng mga guro at non-teaching personnel, at honoraria at allowance para sa serbisyong lampas sa regular na oras ng trabaho.
Ayon kay Gatchalian, makatutulong ito upang matugunan ang kakulangan sa mga guro at suporta sa mga paaralan.
Sa kabuuan, binigyang-diin ng senador na ang mas aktibong partisipasyon ng LGU ay mahalaga upang mas maging responsibo ang sistema ng edukasyon sa pangangailangan ng bawat komunidad.
Aniya, sa pamamagitan ng pinalakas na Local School Boards at mas flexible na paggamit ng pondo, inaasahang mas mapapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
















