-- Advertisements --

Muling ipinagpatuloy ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang inilunsad na programang ‘libreng sakay’ para sa mga komyuter ng pampasaherong jeep sa lungsod.

Ito’y matapos ihinto kamakailan ang implementasyon ng naturang programa noong Miyerkules Santo kasunod ipatupad ng dalawang araw, Lunes at Martes Santo.

Batay kasi sa plano, limang araw isasagawa ang ‘libreng pamasahe’ sa magkahiwalay na linggo, una ay nitong ‘Holy Week’ habang pangalawang bahagi naman ay ngayong linggo.

Ito’y itutuloy simula Lunes, ika-6 ng Abril at magtatapos hanggang Miyerkules.

Kung kaya’y sa naganap na ‘flag raising ceremony’ ng Manila City Hall sa pangunguna ni Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso, positibo niyang ibinahagi ang bilang naserbisyuhan ng programa.

Aniya’y umabot ito sa higit 300-libo pasahero ang nakabenepisyo at nakalibre ng pamasahe sa sinasakyang jeep sa lungsod.

Dagdag pa ng alkalde na kanilang titiyakin mabuo ang isang linggo implementasyon ng programang libreng sakay sa lungsod ng Maynila.

Naniniwala siyang makatutulong ito hindi lamang sa mga tsuper ng jeep kundi maging sa publilko na makalilibre ng pamasahe sa pagbyahe.

Inilunsad ang naturang ‘libreng sakay’ sa Maynila bilang tugon sa kinakaharap na krisis sa gasolina na siyang lubhang nakaapekto sa mga drayber ng jeep sa lungsod.

Sa programa, binibigyan ng P3,500 Jeepney Subsidy ang mga kalahok na jeep na maghahatid ng serbisyo sa mga mananakay o komyuter.

Nais kasi ng lokal na pamahalaan, sa kabila ng patuloy na pagsirit ng presyo sa produktong petrolyo, makatagpo ang mga ito ng katiyakan kita kahit sa ilang araw lamang ng implementasyon ng programa.