-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naglaan ang lokal na gobyerno ng Albay ng P12 milyon na gagamiting pambili ng bigas para sa mga apaketado ng enhanced community quarantine kaugnay ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Eva Grageda ng Albay Provincial Social Welfare and Development, nasa 9,600 sako ng bigas ang nabili ng lokal na gobyerno na kasalukuyang nire-repack na upang maipamahagi.

Target ng ahensya na mabigyan ng tig-anim na kilo ng bigas ang nasa 80,000 piling pamilya sa lalawigan kasama na ang iba pang pangangailangan kagaya ng de lata, noodles, kape at iba pa.

Panawagan naman ng opisyal ang kooperasyon ng publiko sa ipinatutupad na quarantine na layunin lamang umano na malabanan ang mabilis na pagkalat ng coronavirus.