-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinaalalahanan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang lahat ng overseas Filipino workers (OFWs) na luluwas papuntang Hong Kong at Macau hinggil sa requirement na dokumento kaugnay ng novel coronavirus infectious disease (COVID-19).

Ayon kay POEA administrator Atty. Bernard Olalia, nakasaad sa inilabas nilang Advisory No. 18 na kailangang ideklara ng mga magbabalik OFW sa mga nasabing bansa na alam nila ang sitwasyon ng sakit.

Sakop din daw ng advisory ang mga bagong Pinoy workers sa Hong Kong at Macau.

Nilalaman ng “awareness declaration” ang pagpapaalam ng local authorities sa mga OFW ang impormasyon hinggil sa COVID- 19, gayundin ang pangangailangan na sumunod sa medical at health protocol na ipinapatupad ng Pilipinas maging sa mga bansang kanilang pupuntahan.

Makukuha umano sa mga Labor Assistance Center sa mga paliparan at mayroon na rin umanong nakahandang magnotaryo rito.

Nitong nakaraang Martes nang tanggalin ng Pilipinas ang travel ban sa mga nasabing Chinese territories.