-- Advertisements --

Nanawagan si World Health Organization Director-General Tedros Ghebreyesus sa mga kabataan na huwag maging matigas ang ulo at sumunod na lamang sa mga umiiral na health protocols.

May kaugnayan ito sa biglang pataas ng cluster infections sa mga menor-de-edad na nagtipon-tipon sa mga beach at night clubs sa Spain, France at iba pang parte ng Europa.

Ayon kay Ghebreyesus, masyado raw nagpapakampante ang mga kabataan sa iba’t ibang sulok ng mundo dahil lang niluwagan na ng kanilang gobyerno ang mga virus measures.

Hindi rin daw ligtas ang mga ito sa banta ng COVID-19 kung kaya’t dapat na maging alerto sa lahat ng oras. Dapat siguraduhin aniya ng mga ito ang palaging pagsusuot ng face masks.

Base kasi sa nakalap na ebidensya ng international body, mas mahaba ang epektong mararamdaman ng mga indibidwal na gumaling mula sa sintomas ng coronavirus. Ilan dito ay ang pakiramdam ng pagod, hingal habang ang iba naman ay mahihirapan nang makabalik sa kanilang normal na aktibidad.