Ipinahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isa ang COVID-19 response sa pinakamalaking hamon na kakaharapin ng susunod na administrasyon pagdating sa kagawaran ng pangkalusugan.
Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan na maayos aniya itong maendorso sa kanila ng kasalukuyang administrasyon.
Paliwanag ni Vergeire, ito rin kasi aniya ang pinakamahirap na problema sa pangkalusugan na kinakaharap ng administrasyong ito kabilang na ang mga programang bakunahan, kakulangan sa mga healthcare workers sa bansa, at gayundin ang budget na inilaan para sa pandemya.
Dagdag pa niya, isa rin sa mga dapat pag-aralan mabuti ng susunod na administrasyon ay ang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na state of calamity sa bansa na magtatagal naman hanggang Setyembre 12, 2022 ng dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Sang-ayon naman dito ang infectious disease expert na si Dr. Edsel Salvana na umaasa naman na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang mga programang inilunsad ng pamahalaan laban sa pandemya.
Samantala, sinabi rin naman ni Vergeire na nais din nilang irekomenda sa administrasyong Marcos ang paggamit ng makabaong teknolohiya bilang ebidensya laban sa paglaganap ng mga misinformation at disinformation at gayundin sa pagbibigay ng gabay sa taumbayan.